Kinuwestiyon ni House prosecution spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. ang sunod-sunod na pag-atras ng defense team ni Vice President Sara Duterte sa mga testigong una nitong isinama sa witness list, na nagdudulot umano ng abala sa mga opisyal at pagsasayang ng oras ng impeachment court.
Ayon kay Tolosa, ilan sa mga testigo ay nakarating na sa Senado at naghanda nang humarap sa paglilitis bago biglang bawiin ng depensa ang kanilang testimonya. May ilan pa umanong pinabalik nang dalawang beses sa Senado bago tuluyang hindi na ipinatawag.
Kabilang sa mga naapektuhan ang isang bank executive na muling ipinatawag sa impeachment court ngunit hindi na rin itinuloy ng depensa ang pagpresenta sa kaniya. Dagdag ni Tolosa, may mga testigong nagmula pa sa malalayong lugar kaya hindi dapat balewalain ang oras at pagsisikap na inilaan nila para sa pagdinig.
Nauna nang inalis ng depensa sa kanilang prospective witness list ang 16 na opisyal ng bangko, kasunod ng iba pang mga indibidwal na inaasahang magbibigay ng testimonya tungkol sa corporate registration, financial records at operasyon ng mga negosyo. Gayunman, iginiit ng kampo ni Duterte na bahagi ito ng kanilang legal strategy. Ipinaubaya naman ni Tolosa sa mga senador-huwes ang paghatol kung dapat magkaroon ng implikasyon sa paglilitis ang paulit-ulit na pag-atras sa mga testigo.















