-- Advertisements --

Nakiisa ang Department of Health (DOH) sa paggunita ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW) mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 12, 2026 bilang bahagi ng adbokasiyang pangalagaan ang pisikal, mental, at emosyonal na kalusugan ng bawat babae.

Ayon sa ahensya, ang karahasan sa kababaihan ay isang kritikal na usaping pangkalusugan kaya’t patuloy nitong tinitiyak ang pagkakaroon ng responsive at accessible na serbisyong medikal sa ilalim ng Unified National Agenda for Health o UNA para sa Kalusugan.

Kasama sa mga hakbang ng kagawaran ang pagpapalakas sa primary care, early prevention, at proteksyon, pati na ang capacity development para sa mga healthcare worker hinggil sa “4Rs” (Recognizing, Recording, Reporting, at Referral) sa mga kaso ng pang-aabuso at pagsasanay sa clinical at psychological management.

Pinatitibay rin ng DOH ang mga Women and Children Protection Unit sa mga pampublikong ospital upang mas mapabilis at mas mapalawak ang pagtugon sa mga biktima ng karahasan.

Bukod dito, tinitiyak ng ahensya ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng mga kinakailangang gamot, psychological intervention, at mas maayos na multi-agency referral network upang tuluyang mawakasan ang karahasan laban sa kababaihan sa bansa.