-- Advertisements --

Agad na nagsagawa ng clean-up operation ang awtoridad ng Spain matapos lumubog sa Mediterranean Sea ang isang tanker na may dalang 7,000 toneladang diesel.

Galing sa katimugang pantalan ng Algeciras at tutungo sanang Barcelona ang Maltese-flagged na chemical products tanker nang mangyari ang insidente nitong madaling araw ng Huwebes, ayon sa Balearic Islands emergency services.

Dala ng naturang tanker ang tinatayang 66,000 bariles ng refined products.

Nasagip ang 17 tripulanteng sakay ng barko ngunit naiulat na pumanaw ang isa sa mga crew nito sa ospital sa Ibiza. Anim na tripulante naman ang nagtamo ng bahagyang pinsala dulot ng hypothermia.

Nagpadala naman ang Spanish maritime rescue service na Salvamento Maritimo ng isang bangka at eroplano nito upang suriin ang posibleng pinsala ng insidente sa kalikasan.

Paglilinaw ng pamahalaan ng Espanya, hindi pa tuluyang lumulubog ang tanker matapos masaksihang nakataob ito kung saan tanaw sa ibabaw ng dagat ang keel o ilalim na bahagi ng barko.

Ayon kay Valencia Maritime Captain Elena Delgado, humupa rin bandang pagtatapos ng maghapon ang maliit na oil slick na namuo sa paligid ng barko, at naikabit na ito sa pamamagitan ng kable sa barko ng Spanish maritime rescue service.

Dagdag pa niya, susuriin ng mga eksperto ngayong Biyernes ng umaga ang katawan ng barko at ang nakalubog na bahagi nito para magdesisyon kung itutuloy ang planong paghila o salvage operation sa barko.

Bagama’t hindi pa tukoy ang sanhi ng paglubog ng tanker, sinabi naman ni Spanish Prime Minister Pedro Sanchez na patuloy na nakatutok ang pamahalaan nito sa imbestigasyon.

Samantala, itinuturing bulnerable ang naturang lugar ng karagatan sa Mediterranean kung saan naganap ang paglubog ng tanker kung saan ang anumang banta ng polusyon sa lugar ay maaaring makaapekto sa turismo, pangingisda at mga Mediterranean seagrass na mahalagang pangontra sa global warming.

Kabilang din ito sa pinoprotektahang katubigan ng Natura 2000 network ng European Union na siyang nagsisilbing tahanan ng critically endangered species na Balearic Shearwater seabird.