Mabilis na ipinasa ng Senado ang pagtalakay sa panukalang P84.132-billion budget ng hudikatura para sa 2027 sa ilalim ng sponsorship ni Senator Kiko Pangilinan.
Ito ang kauna-unahang budget ng hudikatura sa ilalim ng pamumuno ni Chief Justice Rodil Zalameda at ang unang panukalang pondo nito sa ilalim ng Judiciary Fiscal Autonomy Act o Republic Act No. 12233.
Sa kabuuang halaga, P71.7 billion ang nakalaan sa Supreme Court at mga mababang hukuman, P7.4 billion sa Court of Appeals, P3.5 billion sa Sandiganbayan, P1.3 billion sa Court of Tax Appeals at P79.7 million sa Presidential Electoral Tribunal.
Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-diin ni Pangilinan ang pangangailangang mapabilis ang paglilitis at paglutas sa mga kaso, lalo’t nasa 98,633 umano ang mga kasong nakabinbin nang limang taon o higit pa sa first- at second-level courts.
Kabilang sa mga hakbang ng hudikatura ang pagtatakda ng 180 araw upang matapos ang paglilitis sa mga kasong saklaw ng regular rules, gayundin ang pagsusulong ng eCourt PH para sa digital na paghahain ng mga dokumento at pagsubaybay sa mga kaso.
Sinabi rin ni Pangilinan na kailangan pang magtayo ng 224 na karagdagang Halls of Justice upang magkaroon ng sapat at maayos na pasilidad ang mga hukuman.
Hinimok ni Pangilinan ang Senado na pondohan nang buo ang panukalang budget at igalang ang fiscal autonomy ng hudikatura upang mapalakas ang sistema ng hustisya sa bansa.
Walang ng senador pa ang humiling ng interpellation para sa panukalang budget ng Judiciary para sa susunod na taon, parte din ito ng tinatawag na parliamentary courtesy na ibinibigay ng Senado sa co-equal branch nito sa pamahalaan.













