-- Advertisements --

Nanumpa nitong Huwebes, Nobyembre 26, si Atty. Nicholas Felix Ty bilang bagong Deputy Ombudsman para sa Luzon.

Bago ang pagkakatalaga, nagsilbi si Ty bilang undersecretary ng Department of Justice (DOJ), kung saan pinangasiwaan niya ang mga programang legal at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya, kabilang ang paglaban sa human trafficking at mga krimeng transnational.

Sinabi ni Ty na magiging katuwang siya ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa layuning sugpuin ang korapsyon sa bansa. Nangako rin siyang mananatiling tapat sa Konstitusyon at mga batas, at tutulong na panagutin ang mga lingkod-bayan na lumalabag sa kanilang tungkulin.

Mahigit 20 taon nang nagsasanay sa larangan ng batas si Ty. Nagtapos siya sa UP College of Law at kumuha ng Master of Laws in International Economics and Business Law sa Kyushu University sa Japan. Nagturo rin siya bilang assistant professor sa UP College of Law.