-- Advertisements --

Tiniyak ni House Ways and Means Committee Chairman Rep. Miro Quimbo na hindi uusad sa House of Reps ang panukalang patawan ng buwis ang kape bilang alternatibo sa pagtataas ng excise tax sa mga inuming nakalalasing.

Ayon kay Quimbo, ipinapataw ang excise tax sa mga produktong may masamang epekto sa kalusugan, gaya ng alak, sigarilyo at matatamis na inumin. Hindi umano napatutunayang nakapipinsala ang kape, at magiging mahirap din itong buwisan dahil sa iba’t ibang paraan ng paghahanda nito.

Tutol din ang Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. sa panukala dahil mga magsasaka at ang buong industriya ng kape ang maaapektuhan. Ayon kay Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. President Danilo Fausto, nasa 25 porsiyento lamang ang coffee sufficiency level ng bansa at umaasa pa sa importasyon ang malaking bahagi ng suplay.

Nauna rito, hiniling ng Distilled Spirits Association of the Philippines na pag-aralan ang pagbubuwis sa kape sa halip na dagdagan ang buwis sa alak, dahil mas marami umanong kabataan ang mas pinipiling uminom ng kape. Gayunman, iginiit ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. na mas makatuwirang patawan ng excise tax ang mga inuming nakalalasing kaysa sa produktong kape.