Muling iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may kapansanan siya sa pag-iisip na nakaaapekto sa kaniyang kakayahang maunawaan ang mga kasong crimes against humanity na haharapin sa International Criminal Court (ICC) simula Nobyembre 30.
Sa pre-trial brief na inilabas noong Nobyembre 25, sinabi ni defense counsel Peter Haynes na halos wala nang naiaambag si Duterte sa kaniyang depensa dahil nahihirapan itong umunawa ng ebidensiya at maalala ang mga pangyayari. Mahigit 62,000 dokumento at iba pang ebidensiya na umano ang inilabas ng prosekusyon.
Gayunman, noong Setyembre 28, nagpasiya ang ICC Trial Chamber III na kuwalipikadong humarap sa paglilitis si Duterte. Tinanggihan din ng prosekusyon at mga kinatawan ng mga biktima ang pahayag ng depensa tungkol sa paghina ng kaniyang memorya, at sinabing walang nakitang ebidensiya ang medical expert panel ng paglala ng kaniyang kakayahan sa pag-iisip.
Bilang bahagi ng mga hakbang para sa patas na paglahok ni Duterte, nagtakda ang ICC ng mga espesyal na kaayusan, kabilang ang paggamit ng noise-canceling headphones, maluwag na iskedyul at patuloy na pagsubaybay sa kaniyang kalusugan. Magsisimula ang paglilitis sa Nobyembre 30 sa harap ng Trial Chamber III na pinamumunuan ni Judge Joanna Korner.















