Nasawi ang 31 katao at 21 iba pa ang nasugatan matapos sumalpok ang isang kotse sa isang fuel tanker sa kahabaan ng highway sa Al-Warraq sa Egypt.
Ayon sa Public Prosecution ng Egypt, mabilis ang takbo ng kotse nang mabangga nito ang tanker habang nagpapalit ng linya at nag-o-overtake. Dahil sa impact, sumabog ang isang gulong ng tanker, dahilan upang tumaob ito at tumama sa konkretong harang.
Tumagas ang gasolina mula sa tanker at nagliyab, na nagdulot ng malaking sunog na tumupok sa 27 sasakyan, kabilang ang mga kotse at motorsiklo.
Arestado na ang 21-anyos na drayber na itinuturong sanhi ng aksidente. Iniutos din ng mga awtoridad ang pagsusuri sa kanya upang malaman kung may paggamit siya ng ipinagbabawal na gamot.
Rumesponde naman ang 39 ambulansya upang dalhin sa mga kalapit na ospital ang mga nasugatan. Iniutos din ang pagsusuri sa DNA upang makilala ang mga biktimang hindi agad natukoy dahil sa tindi ng pagkakasunog.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Pangulo ng Egypt na si Abdel-Fattah el-Sisi sa mga pamilya ng mga nasawi.










