-- Advertisements --

Nagsagawa ng operasyon ang Department of Energy – Mindanao Field Office (DOE-MFO), katuwang ang pulisya at pamahalaang barangay, laban sa isang ilegal na LPG refilling station sa Purok 18, Barangay Batangan, Valencia City, Bukidnon matapos makatanggap ng sumbong mula sa isang concerned citizen.

Nakumpiska sa nasabing pagsalakay ang mga ilegal na ni-refill at walang-lamang LPG cylinders, mga 50-kilogram na tangke na ginagamit sa decanting, mga decanting hose, iba pang kagamitan, at mga pekeng LPG seal.

Ayon sa DOE-MFO, ang ilegal na pagre-refill ng LPG ay paglabag sa Republic Act No. 11592 o ang LPG Industry Regulation Act, kaya ang mga mapatutunayang responsable ay maaaring maharap sa mabibigat na administratibong multa at kasong kriminal.

Pinayuhan ng ahensya ang publiko na bumili lamang sa mga awtorisadong tindahan, habang hinikayat din ang mga supplier at distributor ng 50-kilogram LPG cylinders na tiyaking lehitimo ang kanilang mga pinagbebentahan upang hindi magamit sa ilegal na operasyon.

Pinuri rin ng DOE-MFO ang pakikipagtulungan ng Barangay Batangan at ng Valencia City Police Station sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Hope Mark Orbuda na naging susi sa matagumpay na operasyon.