Hindi manlang umabot ng 2 minuto ang deliberasyon sa plenaryo ng panukalang budget ng Office of the Vice President at agad itong inaprubahan ng Senado. Di hamak na mas mabilis ito kumpara noong nakaarang taon.
Wala ng senador ang humiling pa na mag interpellate sa panukalang P785.2 milyon na budget ng opisina ni Vice President Sara Duterte para sa susunod na taon sa ilalim ng sponsorship ni Senate Finance Committee Chair Sen. JV Ejercito.
Iginiit ni Senate Majority leader Juan Miguel “Migz” Zubiri na dahil ito sa tinatawag na parliamentary courtesy na iginawad ng Senado sa Office of the President at Vice President.
Personal na nga natungo si Duterte sa Senado para depensahan ang budget ng OVP sa plenary deliberations. Matapos ang naunang hindi pagsipot nito nang tinalakay ang pondo ng kaniyang opisina sa lebel ng komite.
Sinalubong ang bise Presidente nina Senate President Sherwin Gatchalian at Senate President Pro tempore Vicente “Tito” Sotto III pagpasok nito sa plenaryo ng Senado, nagkaroon din ng akonting pag-uusap sa pagitan ni Duterte at Senators Robin Padilla at Bong Go bago magsimula ang deliberasyon.
“Merry Christmas” o maligayang pasko naman ang maikling sagot ni Duterte sa mga katanungan ng media partikular na sa nagpapatuloy na impeachment trial laban sa kanya na magbabalik naman sa susunod na linggo.
Samantala, nauna nang ipinaliwanag ng Office of the Vice President na gagamitin ang P785.2 milyon upang maipagpatuloy ang paghahatid ng tulong at serbisyo sa mga benepisyaryo ng ahensya sa buong bansa.
Sa naturang halaga, P220.2 milyon ang nakalaan para sa Personnel Services, P561.7 milyon para sa Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE ng OVP, at P3.3 milyon naman para sa Capital Outlay.
May hiwalay ding awtomatikong alokasyon na P15.5 milyon para sa Retirement and Life Insurance Premium ng mga may plantilyang kawani ng ahensya.















