-- Advertisements --

Arestado ang dalawang South Korean nationals nitong Martes, Nobyembre 24, sa General Trias City, Cavite alinsunod sa isinampang Red Notices ng International Criminal Police Organization (Interpol) laban sa mga ito.

Kinikilala ang dalawang suspek na sina Jin You, 29 taong gulang at Jonghun An, 25 taong gulang na wanted sa mga kasong krimen sa kanilang bansa.

Sinalakay sa isang sanib-pwersang operasyon ang tinitirhan ng dalawang suspek sa Brgy. Panungyanan, Gen. Trias City kung saan isinilbi ang dalawang magkahiwalay na Red Notices laban sa mga ito ng mga tauhan ng Cavite Provincial Intelligence Unit, katuwang ang Korean Interpol, Bureau of Immigration (BI) at Naval Intelligence.

Nakadetalye sa isang Red Notice ang reklamong konektado sa umano’y paglabag sa Article 3-1 ng South Korea sa kasong Aggravated Punishment of Specific Economic Crimes, tulad ng panloloko o fraud.

Sa isa pang Red Notice, nakadetalye naman ang reklamo sa umano’y paglabag sa Article 15-2(1) Special Act on the Prevention of Loss Caused by Telecommunications-Based Financial Fraud and Refund for Loss.

Samantala, dinala naman ang dalawang naarestong South Korean national sa tanggapan ng Bureau of Immigration upang isaayos ang kaukulang deportasyon na ipapataw sa mga ito.