-- Advertisements --

Nasabat ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang kabuuang 42.884 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P291.61 milyon mula sa tatlong magkakahiwalay na kargamento na galing sa Kenya at Malaysia.

Pinakamalaki sa nakumpiskang kontrabando ang nagmula sa kargamento galing sa Kenya na idineklarang mga spare parts, kung saan natuklasan ng mga tauhan ng Customs ang 39.418 kilo ng hinihinalang shabu.

Narekober naman ang natitirang 3.466 kilo mula sa dalawang kargamento na nagmula sa Malaysia, na ang isa ay idineklarang mga laruan at activity books ng bata habang ang isa pa ay idineklarang workout accessories.

Agad nang itinurn-over ng BOC ang mga sample ng nasabat na iligal na droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa kaukulang laboratory examination.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad at maglalabas pa ng karagdagang detalye sa oras na maging available ang mga ito.