-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na hindi lamang pagganti sa posibleng pag-atake ang sukatan ng lakas ng Mutual Defense Treaty (MDT) ng Pilipinas at Estados Unidos, kundi ang kakayahang pigilan ang armadong komprontasyon.

Ayon kay Teodoro, mas dapat pagtuunan ng dalawang bansa ang pagpapatibay ng kanilang kakayahang magdepensa at hadlangan ang anumang pag-atake bago pa magkaroon ng pinsala at mawalan ng buhay.

Kaugnay nito, nakatakdang bumili ang Pilipinas ng mga advanced military equipment mula sa Estados Unidos gamit ang $2-bilyong financing package. Nilinaw ni Teodoro na hindi ito grant kundi pondong gagamitin sa pagbili ng mga kagamitang militar sa ilalim ng Security Sector Assistance Roadmap.

Kabilang din sa tulong ng US ang $400-milyong grant para sa Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard, bukod pa sa karagdagang $100-milyong grant at pondo para sa mga defense information technology initiative.

Patuloy na pinapalakas ng Pilipinas ang kakayahan nitong ipagtanggol ang teritoryo at karapatan nito sa karagatan sa gitna ng tumitinding aktibidad ng China sa West Philippine Sea.