-- Advertisements --

Nilinaw ni Integrated Bar of the Philippines (IBP) National President Atty. Allan Panolong na hindi sinaklaw ng bagong desisyon ng Supreme Court ang legal na usapin ukol sa pagkaka-aresto ni dating Pang. Rodrigo Duterte sa Pilipinas.

Tinukoy ng batikang abogado ang nilalaman ng desisyon ng SC kahapon, Nov. 24, na nagbabasura sa petisyon ng mga anak ng dating pangulo. Ang naturang petisyon ay kumukuwestyon sa ginawa ng PH authorities na pag-aresto sa dating pangulo at tuluyang pagdala sa kaniya sa The Hague kung saan siya ay kasalukuyan ngayong nakadetene.

Ayon kay Atty. Panolong, hindi saklaw ng naturang desisyon ang usapin kung legal o ilegal ang ginawang pag-aresto, pagkulong, at pagpapadala sa dating pangulo patungo sa The Hague.

Aniya, nakasaad mismo sa desisyon ng kataas-taasang hukuman na hindi kasama rito ang iba pang legal na isyu na nakapalibot sa kaso ng dating presidente ng Pilipinas.

Ang tanging dinesisyunan ng korte aniya, ay ang petition for writ of habeas corpus na inihain ng mga anak ng dating pangulo upang hilingin ang kanyang paglaya mula sa umano’y iligal na pagdetene sa kaniya sa ICC Detention Centre, dahil ang naturang isyu ay maituturing na bilang moot o wala nang saysay sa ngayon.

Dahil dito, nananatiling malaking katanungan aniya kung maituturing bang ligal o hindi ang naging hakbang ng PH authorities.

Marso 2025 noong inaresto si Duterte dito sa Pilipinas at agad ding ibiniyahe patungo sa ICC kung saan kasalukuyan siyang nakadetene ngayon.

Sisimulan na rin ang paglilitis laban sa kaniya sa Lunes, Nov. 30, 2026.