Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang paghahanda ng mga yunit nito para tugunan ang mga posibleng usaping pangseguridad at pagtitipon ng publiko habang naghahanda ang Senado na magpasya sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., bahagi ng mandato ng PNP ang mga paghahandang ito para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, mapangasiwaan ang mga pampublikong pagtitipon, at maprotektahan ang mga komunidad sakaling tumaas ang reaksyon ng publiko matapos ang desisyon.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., sa paggabay ni DILG Secretary Jonvic Remulla, na mapanatili ang kaligtasan ng publiko at manatiling mapayapa ang sitwasyon anuman ang maging resulta ng proseso ng impeachment.
“We are preparing our personnel not because we expect trouble but because public safety demands foresight and readiness. Our duty is to remain impartial, protect the people’s right to peaceful assembly, and ensure that the democratic process is respected without compromising peace and order,” ani PGEN Nartatez.
Una nang nanawagan si Secretary Remulla sa pulisya na maghanda para sa mga posibleng sitwasyong maaaring lumitaw kaugnay ng impeachment proceedings, habang nananatiling neutral at nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan. Ayon sa Interior secretary, maaaring magdulot ng pagtaas ng tensyon ang matitinding saloobin ng publiko hinggil sa kaso sa pagitan ng mga grupong magkasalungat ang paninindigan.
“We will carry out the Secretary’s directive through prudent preparation, measured police presence, and close coordination with our local commanders. Our objective is to maintain public order and reassure the public, not to create an atmosphere of tension or apprehension,” ani PGEN Nartatez.
Inatasan ang mga kinauukulang Police Regional Office at National Capital Region Police Office na magsagawa ng pagsusuri sa seguridad sa kanilang mga lugar at tukuyin ang mga lokasyong maaaring pagdausan ng mga pampublikong pagtitipon.
Inatasan din ang mga police intelligence unit na subaybayan ang mga mapagkakatiwalaang ulat hinggil sa mga usaping pangseguridad at posibleng banta sa kaligtasan ng publiko. Binigyang-diin ng PNP na ang mga aktibidad sa pagmamanman ay dapat manatiling naaayon sa batas at isagawa nang propesyonal, at hindi dapat nakabatay sa pagkakaugnay sa politika o personal na paniniwala.
Hinimok din ng PNP Chief ang publiko na manatiling kalmado at igalang ang demokratikong proseso habang hinihintay ng bansa ang desisyon ng Senado. “We appeal to everyone to remain calm, respect the democratic process, and express their views peacefully, regardless of the Senate’s decision,” saad ni PGEN Nartatez















