Dalawa ang patay matapos mauwi sa isang engkwentro ang isang gun buy-bust operation sa Legazpi City, Albay, nitong Linggo, Nobyembre 22.
Naganap ang insidente sa Purok 5, Brgy. Rawis matapos ang isinagawang operasyon ng Legazpi City Police, katuwang ang RID Tracker Team 1, kung saan nakilala ang dalawang suspek sa alias na “Jose” at ‘Win” na umano’y sangkot sa ilegal na pagbebenta ng armas.
Ayon sa imbestigasyon, nagpanggap ang isang tauhan ng pulisya bilang buyer ng isang kalibre .45 na baril sa halagang ₱21,000. Nang aarestuhin na ng pulisya ang dalawang suspek, nagtangka umano ang mga itong tumakas at pinaputukan umano ang mga pulis kung saan nauwi sa ang engkwentro ang naturang operasyon.
Nagtamo naman ng malubhang tama sa katawan ang dalalawang suspek na ikinamatay ng mga ito. Tinamaan din ng bala ang isang tauhan ng PNP ngunit nailigtas naman ito ng kaniyang suot ng bulletproof vest.
Narekober sa mga suspek ang kalibre .45 na baril at isa pang .38 na revolver.
Napag-alaman ding matagal nang sangkot umano sa iba pang krimen ang dalawang suspek, tulad ng pagnanakaw, panloloob ng mga bahay, pangho-hold-up, maging sa aktibidad na may kinalaman sa ilegal na droga at ilegal na pagmamay-ari ng armas sa Sorsogon, Camarines Sur, at Albay.
Pinaalalahanan naman ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang kahalagahan ng kampanya nito kontra ilegal na pagbenta ng mga armas at ang pagpigil sa mga paggamit nito sa mga kriminal na aktibidad.
“Ang isang baril na napupunta sa maling kamay ay maaaring maging banta sa buhay at kaligtasan ng marami. That is why we take illegal firearms transactions seriously,” saad ni Nartatez.
Samantala, ipagpapatuloy naman ng mga awtoridad ang proseso ng imbestigasyon hinggil sa naturang engkwentro at tiniyak na lahat ng mga nakalap na ebidensiya nito ay dadaan sa pagsusuri at dokumentasyon.














