Magkakasabay na nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng malaking bawas-presyo sa kanilang mga produktong petrolyo ngayong araw.
Epektibo kaninang alas-6:00 ng umaga, bumaba nang P3.00 ang presyo ng kada litro ng gasolina.
Kasabay nito ang P2.60 na tapyas sa kada litro ng diesel at P1.60 naman sa kada litro ng kerosene.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang bawas-presyo ay bunsod ng unti-unting pagbawi ng pandaigdigang suplay at paghupa ng tensyon sa Middle East.
Nakadagdag din sa pagbaba ng presyo ang inaasahang mas mahinang demand sa mga susunod na linggo.
Tiniyak naman ng ahensya na sapat ang suplay ng langis sa bansa dahil mayroon pang imbak na tatagal nang hanggang 51 araw.
Samantala, siniguro ng DOE na tuloy-tuloy ang kanilang pagbabantay sa mga gasolinahan upang matiyak na naipatutupad nang tama ang mga rollback.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na nakipagpulong na sila sa ilang kumpanya ng langis upang talakayin ang mga ulat ng hindi pagpapatupad ng bawas-presyo.
Iginiit ng kalihim na bagama’t nauunawaan niya ang pangamba ng mga may-ari ng gasolinahan na malugi dahil sa sunod-sunod na rollback, obligasyon pa rin nilang ipatupad ang tamang presyo.
Matatandaang pinagpapaliwanag na ng DOE ang mahigit 200 gasolinahan na lumabag at hindi nagpatupad ng naunang bawas-presyo.















