-- Advertisements --

Pananagutan at patuloy na paghahanap ng katarungan ang binigyang-diin ni Senator Risa Hontiveros sa unang Truth Commission Conference na ginanap sa Philippine Normal University sa Maynila ngayong Lunes, Nobyembre 23.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Hontiveros na hindi sapat na alalahanin lamang ang mga naganap na paglabag sa karapatang pantao, partikular ang mga insidenteng may kaugnayan sa kampanya kontra droga.

Aniya, mahalagang mapanatili at maipagtanggol ang katotohanan upang magsilbing pundasyon ng isang bansang may pananagutan at katarungan para sa mga susunod na henerasyon.

Tiniyak din ng senador ang kanyang suporta sa layunin ng komisyon na itaguyod ang katotohanan, ipaglaban ang katarungan at panagutin ang mga responsable sa mga paglabag.

Matatandaang ang unang pambansang kumperensiya ng Truth Commission ay may temang “From Truth to Justice: Honoring Victims, Advancing Accountability.” Layunin nitong bigyang-pugay ang mga biktima at nakaligtas sa umano’y mga paglabag, pakinggan ang kanilang mga salaysay, at palakasin ang panawagan para sa pananagutan at mga repormang makatutulong upang hindi na maulit ang mga naturang insidente.

Bahagi rin ng pagtitipon ang paglalahad ng unang anim na buwang ulat ng komisyon, na naglalaman ng mga resulta ng kanilang dokumentasyon at pagsusuri sa mga kasong may kaugnayan sa drug war.

Kabilang dito ang mga ulat tungkol sa bilang at lokasyon ng mga naitalang biktima, forensic evidence, mga kakulangan sa opisyal na dokumento, gayundin ang epekto ng karahasan sa mga pamilya at komunidad.

Sa inilabas na paunang ulat ng komisyon, nakapagtala ito ng 8,320 dokumentadong kaso ng pagpatay mula 2016 hanggang 2022, na naitala sa 72 probinsiya at 730 lungsod at munisipalidad.

Patuloy namang sinusuri at ina-update ang mga naturang rekord. Isinagawa ang kumperensiya upang magsilbing espasyo para sa mga biktima, pamilya, mananaliksik, mamamahayag, eksperto at mga kinatawan ng iba’t ibang sektor na magbahagi ng impormasyon at pananaw tungo sa paghahanap ng katotohanan, katarungan, paggaling at pananagutan.