Walang banta ng mapaminsalang tsunami sa Pilipinas kasunod ng pagyanig ng 6.5 magnitude na lindol sa bahagi ng Vanuatu Islands Region ngayong Lunes ng umaga, Nobyembre 23, 2026.
Batay sa inilabas na Tsunami Information No. 1, naitala ang nasabing lindol bandang alas-10:41 ng umaga na may lalim na 615 kilometro sa lokasyong 13.5°S, 172.3°E.
Ayon sa pagsusuri mula sa mga nakalap na datos, walang inaasahang mapanirang tsunami mula sa pagyanig at inilabas lamang ang abiso bilang paalala at impormasyon sa publiko.
“No destructive tsunami threat exists based on available data. This is for information purposes only and there is no tsunami threat to the Philippines from this earthquake,” saad pa ng Phivolcs advisory.
Pinapayuhan naman ng ahensya ang publiko na ugaliiang maging alerto kahit sa malapit o malayo ang lindol dahil iba-iba ang sitwasyon ng lindol, depende sa lakas at uri nito.
May pagkakataong nakakapinsala pa rin ang malayong lindol kapag ang direksyon ng tsunami ay patungo sa isang komunidad, kahit ito ay daan-daang kilometro ang layo sa partikular na lugar.














