Maaaring mapapatalsik ang mga estudyanteng mapag-aalaman na nambully ng kaklase ayon sa bagong panukala ng Department of Education.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara na kanilang kinukundina ang kahit anong klase ng pambubully. Dagdag pa ng Education Chief na marapat lamang na magkaroon ng ligtas na kapaligiran ang bawat estudyante kung saan malayo sa karahasan at pananakit ng sinuman.
“Bilang author ng Anti-Bullying Act of 2013 noong ako ay mambabatas, naging bahagi na ng aking adbokasiya ang pagprotekta sa mga bata,” ani pa ni Angara sa kanyang statement.
Inilabas ang pahayag matapos ang pagkalat ng video na pinagtulungan ng anim na estudyanteng lalaki ang kanilang isang kaklaseng babae sa Ciriaco L. Icamina Sr. National High School sa Malinao, Aklan.
Sa ilalim ng Deped order 006, s. 2026, ang ESMLE Policy, mas pinaptitibay nito ang pagresponde sa bullying katulad na lamang ng pagpapatupad ng expulsion, o pagpapatanggal sa paaralan bilang posibleng disciplinary sanction.
Nanawagan din si Angara na itigil ang pagpapakalat ng hindi berepikadong impormasyon tulad ng mga larawan at videos na sangkot ang mga bata habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng kagawaran ng edukasyon.
Ayon pa kay Angara na mas makabubuti na huwag nang dagdagan pa ang trauma ng mga bata na nadamay sa insidente.
Nangako rin ang kalihim na patuloy ang kanilang gagawing hakbang upang mapanatiling ligtas ang bawat estudyante sa paaralan.
“Patuloy nating sisiguraduhin na ang bawat paaralan ay ligtas na lugar kung saan ang mga bata ay makakapag-aral nang walang takot. Ito ang ating commitment sa bawat magulang at bawat bata sa bansa,” dagdag pa ni DepEd secretary Angara.













