Arestado ang isang 41 taong gulang na Vietnamese national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Biyernes, Nobyembre 19, matapos itong maharang dahil sa paggamit nito ng Philippine passport at pekeng Filipino identity.
Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Immigration (BI), sinubukang mag-board ni Huỳnh Thị Loan, isang Vietnamese national na ipinanganak sa Vietnamese na magulang sa Vietnam, sa isang Vietjet flight tungong Ho Chi Minh City sa ilalim ng pagkakakilanlan at pangalang Mary Ann Altarejos Antolin.
Bagama’t nakumpirma ng BI na lehitimo ang naturang pasaporte na hawak nito, napansin ng mga opisyal na hindi marunong magsalita o makaintindi ng Tagalog ang Vietnamese national. Hindi rin ito makapagbigay ng detalye hinggil sa kaniyang Filipino background.
Bilang bahagi naman ng kampanya ng ahensiya laban sa “Phantom Citizenship,” ipinag-utos naman ng BI Intelligence Division ang pag-aresto kay Huỳnh dahil sa misrepresentation at impersonation.
Nagbabala naman si BI Commissioner Joel Anthony M. Viado laban sa mga foreign national na nagpapanggap bilang Pilipino na hindi aniya lugar para sa mga sindikato at kawatan ng pagkakakilanlan ang bansa.
Dagdag pa nito, sisiguraduhin din aniya na mabubunyag ang kanilang mga panloloko at mahaharap sa kaparusahan ng batas.
“The Philippines is not a playground for identity thieves and syndicates peddling ‘phantom citizenship.’ We will expose your deception and ensure that you face the full consequences of the law,” ani Commissioner Viado.
Kasalukuyan namang nakadetene si Huỳnh sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang dinidinig ang kaniyang deportasyon.















