-- Advertisements --

Itinuturing ni University of the Philippines (UP) College of Law Associate Dean Atty. Paolo Emmanuel Tamase bilang ‘damaging’ sa kaso ni VP Sara Duterte ang ilang testimoniya ng mga testigong inihaharap ng kaniyang defense team.

Ayon sa batikang abogado, sa halip na makakatulong sa pangalawang pangulo, lalo pang nakakasira ang ilan sa mga nabanggit na testimoniya.

Inihalimbawa nito ang mga pahayag ng mga naunang testigo kaugnay ng GenCorp Industries, ang isa sa mga kumpaniyang nakalista sa ‘business interest’ ni VP Sara, batay sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth.

Ayon kay Atty. Tamase, nais noon na ipunto ng defense na wala sa corporate books bilang stockholder, director, o officer ang bise presidente.

Gayonpaman, mismong ang mga testigo na rin ng defense aniya ang nagbanggit na regular siyang tumatanggap ng pera mula sa kumpanya.

Batay sa schedule na inilabas ng Senate Impeachment Court, sa December 1 na ang resumption ng impeachment trial laban sa pangalawang pangulo kung saan magpapatuloy ang presentasyon ng defense team sa kanilang mga testigo at mga ebidensiya.

Bagaman marami na sa mga testigo ang hindi itutuloy, nagawa na ng Defense na ipresenta ang siyam na testigo na kinabibilangan ng anim na testigo mula November 9-12 at tatlong testigo mula Nov. 19-20.