-- Advertisements --

Hindi umano dapat maging sensitibo ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa mga tanong ng prosekusyon tungkol sa tree-planting activities ng bise presidente at sa posibleng kaugnayan nito sa Cale88 Foods Corporation.

Ito ang naging tugon ni Lanao del Sur 1st District Representative at House prosecution spokesperson Zia Alonto Adiong sa pahayag ng Office of the Vice President (OVP) na misleading, malicious at walang factual basis ang pagtatangkang iugnay ang tree-planting activities ni Duterte sa compliance requirement ng Cale88 sa Board of Investments (BOI).

Ayon kay Adiong, bahagi ng tungkulin ng prosekusyon na siyasatin ang lahat ng posibleng kaugnay na impormasyon upang mailahad ang buong katotohanan sa impeachment court at sa taumbayan.

Matatandaang sa ika-45 araw ng impeachment trial noong Nobyembre 20, ipinakita ni private prosecutor Atty. Erwin Matib ang mga larawan ni Duterte habang nagtatanim ng mga puno at tinanong si Department of Trade and Industry Undersecretary Ceferino Rodolfo kung may kaugnayan ang mga aktibidad na ito sa requirement ng BOI para sa Cale88 na magtanim ng hindi bababa sa 100 forest trees.

Kasunod nito, naglabas ng pahayag ang OVP na hiwalay at independiyenteng environmental initiative nito ang “Pagbabago: A Million Trees Campaign,” na inilunsad noong Marso 27, 2023 bilang suporta sa mga programa ng Department of Environment and Natural Resources laban sa climate change.