-- Advertisements --

Idinaraos ngayong araw ang plebisito sa Naga City upang pagpasyahan ng mga residente kung papayag silang gawing Highly Urbanized City (HUC) ang kanilang lugar.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, nakahanda na ang komisyon para sa pagsasagawa ng botohan na inaasahang lalahukan ng 119,259 registered voters.

Iisa lamang ang katanungan sa balota kung saan pipili ang mga botante ng “Oo” o “Hindi” sa panukalang pagbabago ng katayuan ng lungsod alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1267.

Nagsimula ang early voting mula alas-singko hanggang alas-siyete ng umaga para lamang sa senior citizens, persons with disabilities at mga buntis. Habang alas-siyete ng umaga hanggang alas-tres ng hapon naman ang regular voting.

Hinimok naman ni Garcia ang mga residente na makilahok sa plebisito dahil mahalaga ang kanilang boto sa magiging kinabukasan ng lungsod.

Kabilang sa mga posibleng maapektuhan ng pagiging Highly Urbanized City ng Naga ang usapin sa minimum wage, halaga ng pamumuhay, pagbabayad ng buwis, at oportunidad sa trabaho at negosyo.

Inaasahang matatapos ang canvassing at malalaman ang resulta ng plebisito ngayong gabi, bandang alas-nuwebe hanggang alas-diyes.