-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni dating Bangsamoro Parliament member Sultan Edrieza Nasser Rimbang ang alegasyon na sangkot ito sa tangkang pagpupuslit sa bansa ng P3.5- bilyon na halaga ng iligal na droga na galing sa bansang Laos.

Kasama ang kaniyang mga abogado ay nagtungo sila sa National Bureau of Investigation (NBI) para magbigay ng salaysay.

Dagdag pa nito na ang nasabing alegasyon ay nagdulot sa kaniya ng kahihiyan, takot at trauma sa pamilya nito.

Giit nito na wala siyang maihaharap na mukha sa pamilya dahil sa nasabing isyu.

Paliwanag nito na ang pagtungo sa NBI ay para magbigay pahayag bilang tugon sa subpoena sa kaniya.

Nakatanggap din ng impormasyon ang kaniyang mga abogado na maari siyang maaresto dahil sa nasabing alegasyon.

Magugunitang isa umano si Rimbang ang itinuturong nasa likod kung saan ibabagsak ang nasabat na iligal na droga mula sa bansang Laos.