-- Advertisements --

Ipinaliwanag ni Atty. Rainer Dela Fuente, dating financial investigator ng Anti-Money Laundering Council at expert witness ng depensa, ang pagkakaiba ng return of capital at return on capital sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes, Nobyembre 19.

Ang return of capital ay pagbabalik ng orihinal na puhunan, habang ang return on capital ay tumutukoy sa tubo o kinita mula sa isang investment. Tinalakay ang pagkakaibang ito matapos itong usisain ni Senator-judge Joel Villanueva.

May kaugnayan ito sa naunang testimonya ni Atty. Suzette Balucanag-Punay, abogado ng GenCorp Industries Inc. at Metro City Chow Foods Corporation. Sinabi niyang nakatanggap umano si Duterte ng P2.14 milyon mula sa GenCorp mula 2022 hanggang 2025 bilang pagbabalik ng puhunan, kahit mahigit P46,000 lamang ang kanyang naging investment.

Ayon kay Dela Fuente, kung naibalik na nang buo ang orihinal na puhunan ngunit patuloy pa ring tumatanggap ng bayad ang isang investor, maaari nang ituring ang mga susunod na bayad bilang kompensasyon o suweldo na maituturing na kita.