-- Advertisements --

Nasamsam ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang P9 milyong halaga ng mga produktong petrolyo at kagamitan sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Lipa City, Batangas, noong Nobyembre 18, 2026. Dalawang indibidwal ang naaresto dahil sa umano’y ilegal na pagbebenta ng produktong petrolyo.

Pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Batangas ang mga operasyon laban sa dalawang gasolinahang hinihinalang walang permit mula sa Department of Energy (DOE).

Sa Barangay Sabang, nasamsam ang mahigit 55,000 litro ng gasolina at diesel, kasama ang mga fuel pump at underground storage tank na nagkakahalaga ng tinatayang P7 milyon. Samantala, sa Barangay San Sebastian, nakumpiska ang mga produktong petrolyo at kagamitan na nagkakahalaga ng P2 milyon.

Nahaharap ang mga sangkot sa posibleng paglabag sa hindi awtorisadong pangangalakal at pagbebenta ng mga produktong petrolyo.