-- Advertisements --


Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) upang makabuo ng isang komprehensibong PhilHealth benefit package na nakalaan para sa mga kababaihan at kabataang nakaranas ng karahasan o VAWC survivors.

Ayon kay Health Secretary Edwin Mercado, target ng ahensya na masimulan at maipatupad ang nasabing programang pangkalusugan sa huling bahagi ng 2027 o sa unang bahagi ng 2028.

Saklaw ng isinusulong na Z Benefit package ang tuloy-tuloy na serbisyo tulad ng psychosocial support at psychological care para sa mga biktima.

Kabilang din dito ang mga kinakailangang follow-up services na magpapatuloy pa rin kahit na-discharge o nakalabas na ng ospital ang pasyente.

Bahagi ang inisyatibong ito ng mas malawak na health benefit roadmap ng DOH, kung saan binibigyang-prayoridad ang mga kondisyong nakabatay sa ebidensya, gastos sa gamutan, dami ng kaso, at banta sa buhay.

Nilinaw ni Mercado na ibang programa ito at hindi nakahalo sa developmental disability benefit package na inaasahang ilulunsad sa huling quarter ng 2026.