-- Advertisements --

Dalawang pangunahing tulay sa kabisera ng Ukraine ang naiulat na tinamaan sa Russian ballistic missile attack na nagdulot ng pagkaantala sa suplay ng tubig, kuryente, at heating sa lungsod, ayon kay Kyiv Mayor Vitali Klitschko.

Kasabay nito, inihayag ng Moscow-installed governor na si Sergei Aksyonov na muling tinarget ng militar ng Ukraine sa ikalawang sunod na araw ang Kerch Bridge na nagdurugtong sa Russia at occupied Crimea, dahilan upang pansamantalang isuspinde ang trapiko rito.

Ayon sa mga opisyal ng Russia, naharang at nawasak ng kanilang militar ang 2,049 na drone at apat na Flamingo long-distance missiles sa loob ng 24 oras, kung saan tinatayang 600 drone ang patungo sa Moscow batay sa ulat ni Mayor Sergey Sobyanin.

Naganap ang panibagong palitan ng pag-atake matapos magsagawa ng online talks ang mga opisyal mula sa United States, Ukraine, at Europa upang humanap ng paraan para sa direct engagement sa pagitan ng Russia at Europa at wakasan ang digmaan.

Matapos ang pulong, sinabi ni US envoy Jared Kushner na nakatuon ang Amerika sa pagbibigay ng credible security guarantees sa Ukraine at suporta sa landas nito patungong European Union membership, habang inilarawan naman ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang pag-uusap bilang mahirap ngunit mahalaga para mapalakas ang kanilang depensa laban sa mga missile mula sa Russia at North Korea.

Samantala, kinumpirma ng mga opisyal ng Ukraine na umabot na sa 72 ang nasawi at apat ang nawawala matapos tamaan ng pagbobomba ng Russia ang isang underground shelter sa katimugang nayon ng Kamyshuvakha nitong buwan, na itinuturing na isa sa pinakamadugong pag-atake mula nang magsimula ang pagsalakay noong Pebrero 2022.