-- Advertisements --

Pinaghahandaan na ng mga abogado at human rights volunteers ang paghahain ng bail para sa mga raliyistang inaresto sa Sucat, Muntinlupa City, sa kasagsagan ng pagbubukas ng 49th ASEAN Summit sa bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Legal Counsel Atty. Ephraim Cortez, inihayag nitong pangunahing inaasikaso ngayon ng kanilang grupo ang pagkumpleto sa mga salaysay ng mga naaresto bilang bahagi ng paghahanda sa kanilang mga susunod na hakbang.

Aniya, hindi pa naitatala ang lahat ng salaysay kaya patuloy ang pagkuha ng mga ito, kasabay ng paghahanda ng mga dokumentong kakailanganin para sa bail.

Partikular na binibigyang-prayoridad ng mga abogado, paralegal at volunteer for human rights ang mga menor de edad na kabilang sa mga nadetine. 

Samantala, kinuwestiyon din ni Cortez ang naging paghawak ng mga awtoridad sa kilos-protesta, partikular ang pagharang sa mga raliyista at ang paraan ng kanilang dispersal at pag-aresto.

Giit ng abogado, hindi nangangahulugan ang maximum tolerance na basta na lamang pipigilan ang mga mamamayan na magmartsa at magpahayag ng kanilang hinaing, lalo na kung hindi naman sila gumagamit ng karahasan.

Sa halip, dapat umanong igalang ng mga awtoridad ang karapatan ng publiko na magdaos ng mapayapang kilos-protesta, alinsunod sa batas.

Matatandaang naganap ang pag-aresto sa Sucat People’s Park noong Nobyembre 15, habang nagsasagawa ng protest caravan ang mga delegado mula sa Southern Tagalog na patungo sana sa mga kilos-protesta sa Metro Manila kaugnay ng ASEAN Summit.

Dinala sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mahigit 200 na naaresto. Kabilang sa mga iniulat na nadetine ang 19 menor de edad, na ayon sa mga ulat ay kalauna’y inasikaso sa tulong ng Department of Social Welfare and Development.

Samantala, iginiit naman ng Philippine National Police na nagpatupad ang kanilang mga tauhan ng maximum tolerance at kinakailangang kumilos upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa gitna ng mga kilos-protesta.

Sa ilalim ng Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act of 1985, dapat pairalin ng mga pulis ang pinakamataas na antas ng pagpipigil habang may pampublikong pagtitipon at sa pagsasagawa ng dispersal.

Patuloy namang inaasikaso ng mga abogado ang mga salaysay at paghahanda para sa bail, lalo na para sa mga menor de edad na kabilang sa mga nadetine.