-- Advertisements --

Nanawagan ang Philippine Ports Authority (PPA) sa mga mamamayan na sulitin ang pinalawig na holiday break bunsod ng ASEAN Summit sa pamamagitan ng pagbisita sa mga natatanging tourist destinations sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, inaasahan ng ahensya ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan dahil sa mahabang bakasyon na tatagal hanggang sa Nobyembre 18, kaya naman nakaalerto na ang kanilang mga tauhan.

Para sa kaalaman ng mga biyahero, inilatag ng ahensya ang mga opisyal na pamasahe sa mga pangunahing ruta gaya ng P600 para sa biyaheng Lucena patungong Balanacan, at P1,320 para sa mga rutang Lucena patungong Sibuyan at Masbate.

Samantala, nagkakahalaga naman ng P1,600 ang pamasahe mula Davao patungong General Santos at Zamboanga, habang nasa P2,900 naman ang gastusin sa pamasahe para sa biyahe sa pagitan ng Davao at Maynila.

Hinikayat din ng PPA ang mga pasahero na nais ng mas maginhawang biyahe na maaari silang magsakay ng sariling sasakyan sa pamamagitan ng mga roll-on/roll-off o RORO vessels patungo sa kanilang destinasyon.

Tiniyak ng pamunuan ng PPA na mahigpit nilang binabantayan ang kaligtasan at kaayusan sa mga passenger terminals upang matiyak ang komportable at walang abalang paglalakbay ng publiko ngayong panahon ng bakasyon.