Inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga bus na bumibiyahe sa EDSA Busway sa susunod na buwan bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong holiday season.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, nasa 400 na ang kabuuang bus na bumibiyahe sa EDSA Busway matapos magdagdag ng 50 units para makatulong sa pagsasakay ng mga delegado at pasahero ngayong isinasagawang ASEAN Summit.
Target naman ng DOTr na magdagdag pa ng panibagong 50 bus sa Disyembre upang umabot sa 450 ang kabuuang bilang ng mga bus na bibiyahe sa naturang ruta.
Layon nitong mapalawak ang kapasidad ng EDSA Busway at matugunan ang inaasahang pagdami ng mga commuter, partikular na ang mga papasok sa trabaho at mamimili ngayong papalapit ang Pasko.
Samantala, inanunsyo rin ni Dizon na pagsapit ng 2027 ay DOTr na mismo ang mamamahala sa kabuuang operasyon ng EDSA Busway, kabilang ang maintenance ng mga footbridge.
Ayon sa kalihim, nais nilang maiwasan ang pagtuturuan ng mga ahensya kapag may kailangang kumpunihin o ayusin sa mga pasilidad, gayundin ang mga pagkaantala dahil sa kakulangan ng pondo.
Kabilang sa mga reklamong nais nilang matugunan ang mga hindi gumaganang elevator at sirang ilaw sa ilang footbridge na ginagamit ng mga commuter.
Tiniyak ni Dizon na sa ilalim ng pamamahala ng DOTr ay masisiguro ang nakalaang budget para sa maintenance at agarang pagkukumpuni ng mga pasilidad ng EDSA Busway.














