-- Advertisements --

Pumanik na nang higit sa normal high level na 210.13 metro ang tubig sa Angat Dam sa Bulacan, ayon sa DOST-PAGASA nitong Huwebes, Nobyembre 12.

Batay sa tala ng ahensiya, tumaas pa ito ng 35 sentimetro mula sa 209.78 metrong naitala noong Miyerkules.

Bagama’t may pagbabadya ng tagtuyot dala ng Super El Niño sa bansa, ang naturang pagtaas ng antas ng tubig nito ay dulot ng ilang mga pag-ulang dala ng northeast monsoon o amihan at ang shear line sa Angat watershed nitong mga nakaraang araw.

Ito ay kapansin-pansing pagbuti ng antas ng tubig sa naturang dam kung saan nitong Hulyo ng taon, naitala ang historic lowest level nito na bumagsak sa 150.60 metro.

Samantala, nagsisilbing pangunahing suplay ng tubig ang nasabing dam sa Metro Manila kung saan tinutugunan nito ang 90% pangangailangan ng rehiyon sa maiinom na tubig, gayundin ang pagsuplay sa irigasyon sa palayan ng Gitnang Luzon at pinagkukunan ng hydropower ng Luzon rid.

Bukod sa Angat Dam, naitala rin ang ilang sentimetrong pagtaas sa mga karatig-dam sa rehiyon tulad ng La Mesa Dam sa Quezon City na tumaas sa 79.49 metro mula sa 79.41 metro at ang Pantabangan Dam sa Nueva Ecija na tumaas sa 210.7 metro mula sa 210.6.