Magpapatupad ng crowd control measures ang mga organizer ng ika-462nd Fiesta Señor sa Cebu sa Enero sa susunod na taon dahil sa banta ng tumitinding init ng panahon sa bansa.
Ayon sa mga Augustinian friar ng Basilica Minore del Santo Niño de Cebu, naghahanda na sila ng mga hakbang upang maayos na mapamahalaan ang dami ng mga debotong dadalo sa isang buwang selebrasyon at maiwasan ang mga posibleng sakit na dulot ng matinding init.
Kabilang sa mga planong hakbang ang paglilimita sa 5,000 deboto sa Pilgrim Center. Isinasaalang-alang din ng mga organizer ang paglalagay ng outdoor misting stations upang makatulong na mapababa ang temperatura sa open-air venue.
Samantala, hinikayat ni Fr. Jules Van Almerez ang mga debotong may iniindang karamdaman na piliin ang mga mas maagang misa o mga misa sa hapon upang maiwasang malantad sa matinding init.
Sa kabila nito, mananatili muna ang iskedyul ng mga nobena sa Pilgrim Center mula Enero 7 hanggang 16.
Gayunman, maaari pa itong baguhin depende sa magiging kondisyon ng panahon at kung lalo pang titindi ang temperatura.
Ang Fiesta Señor ay taunang pagdiriwang bilang pagpupugay sa Señor Santo Niño de Cebu na nagtatapos sa kapistahan nito tuwing Enero 17.














