-- Advertisements --

Sa gitna ng pambabatikos ng mga lokal na progresibong grupo laban sa inisyatibang Pax Silica ng Estados Unidos, nakiisa ang ilang internasyunal na aktibista tulad ni Swedish climate activist Greta Thunberg at Australian missionary Sister Patricia Fox sa panawagang, “Reject Pax Silica.”

Sa likod ng layon ng naturang proyekto, na ani ng pamahalaan ng US ay magbibigay ng samu’t saring benepisyo sa teknolohiya, trabaho, at ekonomiya ng bansa, matagal nang pinupuna ang naturang proyekto dahil sa ookupahing 1,620 ektaryang lupain sa New Clark City na nakatakdang pagtayuan ng isang AI industrial hub.

Ang nasabing lupain kasi ay nagsisilbing sagradong tahanan sa komunidad ng Aeta at anila’y makasasama rin sa likas na yaman ng naturang lugar kung kaya’t nakibilang ang kilalang Swedish environmentalist at climate activist na si Greta Thunberg laban dito.

Aniya, ang lupa at ang yaman nito ay natatangi lamang para sa bayan at sa kalikasan, hindi para sa kapakanan ng gyera at ambisyon ng mga imperyalistang kapangyarihan.

“Labor, land, and minerals should serve the people and the planet, not fuel the wars and ambitions of imperialist powers,” saad ni Thunberg.

Kaugnay rin ito ang papalapit na 49th ASEAN Summit kung saan inaasahan ang pagdalo ng ilang internsyunal na delegado sa likod ng proyekto, kabilang si US President Donald Trump.

Bagama’t kinumpirma na ng pamahalaan na walang anumang paglalagda o kasunduan na magaganap hinggil sa Pax Silica sa nakatakdang pagpupulong, hindi nagpapatinag ang pag-apela ng ilan laban dito.

Bukod naman kay Thunberg, nakiisa rin sa pagtutol ang Australian missionary sister at human rights defender na si Sister Patricia Fox.

Ibinahagi naman nito ang kaniyang pakikiisa laban sa pagdalo ni Trump sa bansa at sa naturang proyekto ng Estados Unidos dahil aniya’y hakbangin lamang ito ng pananakop sa ekonomiya at militar, maging sa pananamantala sa likas na yaman ng bansa, kung saan kinundena rin ni Sister Fox ang pakikibahagi ng Australian Prime Minister na si Anthony Albanese sa nasabing inisyatiba.

“I raise my voice in solidarity with all those protesting the visit of [US President Donald] Trump to the Philippines and particularly the plan to implement the Pax Silica. This is just another step in the U.S. military and economic domination of both the Philippines and the region,” ani ng madre.

“I also condemn the Australian Prime Minister who had presence in the Philippines and has signed up to Pax Silica. I assure you, we also here in Australia are protesting this and working to stop it,” dagdag ni Fox.