-- Advertisements --

Umabot na sa P2.814 trilyon ang kabuuang gross revenue collections ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula Enero hanggang Oktubre 2026, na mas mataas ng P149.86 bilyon o 5.63 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Batay sa pinakabagong collection report ng ahensya ngayong Nobyembre 12, 2026, nakapagtala rin ng P348.54 bilyong koleksyon para lamang sa buwan ng Oktubre, na tumaas ng P19.48 bilyon o 5.92 porsiyento mula noong Oktubre 2025.

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, target ng kawanihan na malampasan ang P3 trilyong marka bago matapos ang buwan ng Nobyembre habang pinapanatili ang mahigit limang porsiyentong paglago ng kita.

Patuloy na pinalalakas ng ahensya ang koleksyon nito sa ilalim ng BIR DARES reform agenda sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagbabantay sa buwis, pagsugpo sa tax evasion at illicit trade, at pagpapabuti ng serbisyo para sa mga taxpayer.

Nakaangkla sa tema nitong “Mahusay na Serbisyo, Katumbas ng Buwis Mo,” layunin ng BIR na higit pang mahikayat ang boluntaryong pagbabayad ng buwis ng publiko sa pamamagitan ng tapat at maayos na serbisyo.