-- Advertisements --

Hinihintay na ng Senate Impeachment Court ang kumpletong written manifestation ng Defense at ng House Prosecution panel ukol sa kani-kanilang naobserbahan na paglabag sa sub judice rule.

Maalalang sa ika-42 araw ng paglilitis laban kay VP Sara Duterte ay nagpahayag ang Defense ng kanilang pagnanais na ipabatid sa korte ang mga napansin nilang paglabag ng House sa naturang panuntunan – bagay na sinagot din ng mga prosecutor at sinabing marami ring paglabag ang kabilang panig.

Kasunod nito ay sinabi rin ni Trial Presiding Officer Chiz Escudero na mayroon din siyang napansin na dalawang posibleng paglabag sa sub judice rule at planong ilabas sa korte sa akmang panahon.

Sa ilalim ng panuntunan ng Impeachment Court, ang unang paglabag sa sub judice rule ay may karampatang parusa na admonition o pagsaway.

Kung naulit pa ang naturang paglabag, maaaring magmulta ng P30,000 sa bawat paglabag at maaaring bawiin ang authorization na humarap sa Impeachment Court.

Ayon kay Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, naghain na ng manifestation si defense lead counsel, Atty. Sheila Sison laban kay private prosecutor Benjamin Tolosa Jr. dahil sa mga binitawan niyang pahayag sa isang press conference kamakailan.

Sa kabilang banda, inimpormahan din ng House ang korte na maghahain sila ng reklamo kaugnay ng paulit-ulit na pagkuwestyon ni Vice President Sara sa integridad ng Impeachment Court at ng mga senator-judge.

Ayon sa korte, kapag kumpleto na ang mga written manifestation, rerepasuhin ito ni Trial Presiding Officer Chiz Escudero at aaralin ang posibleng paglabag ng bawat panel.