-- Advertisements --

Inilipat na mula sa kaniyang tahanan sa Washington DC patungo sa isang military base si US Treasury Secretary Scott Bessent kasunod ng mga banta sa kaniyang buhay na iniuugnay sa Iran.

Ayon sa mga ulat ng US media, isinagawa ang paglilipat matapos mailathala ng Wall Street Journal ang isang larawan na nagbigay-daan upang matukoy ang eksaktong lokasyon ng kaniyang tahanan sa Georgetown.

Si Bessent ang nangunguna sa mga hakbang ng Estados Unidos upang ihiwalay ang ekonomiya ng Iran sa pamamagitan ng matitinding parusa o sanctions at malawakang economic blockade.

Nagbabala naman si Director of National Intelligence Jay Clayton na mas pinaigting pa ng Iran ang pagtarget sa mga Amerikano, kabilang ang mga kasalukuyan at dating opisyal ng gobyerno ng US gaya nina Mike Pompeo, John Bolton, at Mark Milley.

Iginiit ng tagapagsalita ng Treasury Department na hindi matitinag sa mga banta si Bessent at mananatiling tapat sa kampanya upang gipitin ang ekonomiya ng Iran.

Kasama na ngayon si Bessent sa iba pang matataas na opisyal ng administrasyon na naninirahan sa mga military base para sa kanilang seguridad, kabilang sina White House Chief of Staff Stephen Miller, Defense Secretary Pete Hegseth, at Secretary of State Marco Rubio.