-- Advertisements --

Isinusulong ng Wellness Tourism Association of the Philippines na mapalakas ang wellness tourism market ng bansa sa pamamagitan ng pagtatampok nito sa darating na 49th ASEAN Summit.

Ayon kay Wellness Tourism Association of the Philippines Secretary-General Cybille Barcebal, malaking pagkakataon ito upang ipakilala sa buong mundo ang mga natatanging tradisyonal na pamamaraan ng pagpapagaling na tanging sa Pilipinas lamang matatagpuan, partikular na ang tanyag na “hilot.”

Nais ng grupo na personal itong masaksihan ng mga darating na delegado, dayuhang dignitaryo, at mga lider ng ASEAN upang mas makilala ang galing ng mga Pilipino sa nasabing larangan.

Maliban sa pagpapakilala ng kultura, ipinunto rin ni Barcebal na makatutulong ang hakbang na ito upang lumikha ng karagdagang trabaho at mas magandang kabuhayan para sa mga manggagawa sa turismo at wellness sector.

Naniniwala ang asosasyon na sa tulong ng pandaigdigang platapormang ito, ang mga lokal na eksperto sa tradisyonal na wellness ay mabibigyan ng karapat-dapat na pagkilala at mas matatag na oportunidad.

Sa pamamagitan ng summit na ito, patuloy na pinapalakas ng bansa ang posisyon nito bilang isa sa mga nangungunang destinasyon para sa kalusugan at turismo sa rehiyon.