Makasaysayang tagumpay ang nakamit ni Filipino sprinter at 17 taong gulang na si Naomi Marjorie Cesar sa Dakar Youth Olympics matapos itong mag-uwi ng silver medal sa Dakar Youth Olympic Games nitong Martes (Manila time).
Ito rin ang kauna-unahang medalyang mauuwi ng Pilipinas sa Youth Olympics.
Tinapos ni Cesar ang kaniyang 800 meter sprint sa loob ng 2 minuto at 9.34 segundo kung saan naungusan nito ang Moroccan bet na si Khadija Elmostaqim na nag-uwi ng tanso sa kaniyang 2:10.05 feat.
Samantala, nagtapos naman bilang unang pwesto ang Ethiopian bet na si Netsanet Selemon sa kaniyang personal best na 2 minuto at 4.43 segundo.
Matatandaang si Cesar ang pinakabatang runner na nagkamit ng ginto sa 800 meter-run sa Bangkok Southeast Asian Games noong Disyembre 2025. Nakamit din nito ang pilak sa Asian Youth Games sa Bahrain ng nasabing taon.













