Nagpahayag ng pagkadismaya si Senator-Judge Risa Hontiveros sa hindi tiyak na sagot ni Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin nang tanungin kung nakapunta ito sa Beijing sa kaniyang biyahe sa China noong Enero 2026.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, tinanong ni Hontiveros si Adalin kung nagtungo rin sila sa Beijing.
“Parang nakapunta po kami,” sagot ng assessor.
Dahil dito, sinabi ng senadora na hindi nakatutuwa ang ganitong uri ng sagot, at binigyang-diin na seryoso ang kanilang mga tanong sa pagdinig.
“Unbelievable,” reaksiyon ni Hontiveros.
Tinanong din niya kung sinu-sino ang mga nakasama ni Adalin sa naturang biyahe.
Ayon sa assessor, kabilang sa kaniyang mga naaalala na kasama niya ang city engineer at city treasurer. Dagdag pa niya, group travel ang naturang biyahe at hindi siya ang nag-organisa nito.
Matatandaang kinumpirma ni Adalin sa naunang pagtatanong na nagtungo siya sa China noong Enero 25, 2026. Kinuwestiyon din ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang kaniyang mga biyahe sa ibang bansa at ang kakayahan niyang tustusan ang mga ito batay sa kaniyang buwanang suweldo na nasa P120,000 bilang department head.













