-- Advertisements --

Umaasa ang isang constitutional law expert na makakapagpresenta ng matibay na ebidensya ang defense counsel ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng Article II ng impeachment complaint na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Ephraim Cortez, president ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), sinabi nitong kailangang maglahad ng depensa ng mga konkretong dokumento sa kabila ng pag-atras ng una nilang witness na si Dean Ralph Sarmiento.

Ayon kay Cortez, malaking hamon para sa defense team ang kasalukuyang sitwasyon dahil nakabuo na ng matibay na salaysay at nakapagharap na ng mga ebidensya ang prosecution panel laban sa Bise Presidente.

Dahil dito, mahalagang makapaghanda ang depensa ng mga testimonya at resibo na direktang makasasagot sa mga alegasyon sa hindi maipaliwanag na yaman ng pamilya.

Inaabangan din sa impeachment trial kung paano pupunan ng depensa ang kawalan ng kaniyang unang testigo at kung sino ang isusunod nilang ihaharap sa Senado.

Nakatakdang magpatuloy ang paglilitis sa Senate Impeachment Court ngayong Nobyembre 9 kung saan simula na ng opisyal na presentasyon ng ebidensya mula sa kampo ng Vice President.