-- Advertisements --

Tatlong barkong pangkarga ng langis ang sumabog at nasunog noong Linggo habang naglalayag sa Strait of Hormuz, ayon sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran.

Sa pahayag ng IRGC, sinabi nito na dumaan ang mga tanker sa rutang hindi pinahintulutan ng Iran. Gayunman, hindi tinukoy ng grupo ang pangalan at bansang pinagmulan ng mga barko.

Hiwalay namang iniulat ng isang British maritime agency na isang tanker ang nasunog noong Sabado sa bahagi ng Strait of Hormuz, malapit sa Khasab, Oman, dahilan upang ilikas ang mga tripulante nito. Tinamaan din umano ng hindi pa matukoy na bagay ang isa pang tanker.

Samantala, iniulat ng state media ng United Arab Emirates na 22 katao ang nailigtas mula sa isang nasusunog na barko sa Gulf of Oman at nasa maayos na kalagayan ang mga ito. Hindi pa nakukumpirma kung magkakahiwalay o may koneksyon ang mga insidenteng iniulat.

Mula nang sumiklab ang digmaan sa Iran noong huling bahagi ng Pebrero, mahigpit nang nililimitahan ng Tehran ang pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz at inaatasang gumamit ang mga ito ng mga rutang pinahintulutan nito.

Bilang tugon, nagpatupad ang Estados Unidos ng harang pandagat sa mga daungan ng Iran at tumulong sa mga tanker na makadaan sa Strait of Hormuz.