-- Advertisements --

Isang seaman ang patay sa pagsabog ng isang oil products tanker sa Persian Gulf nitong Huwebes, Nobyembre 5, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Lulan ng isang Marshall Islands-flagged oil products tanker MT Velos Sapphire ang nasabing tripulante sa Persian Gulf kung saan tungo sana ito sa Sitrah, Bahrain nang magkaroon ng isang pagsabog na pinaghihinalaang dulot ng pag-atake ng isang drone.

Samantala, lulan din ng nasabing barko ang iba pang 21 Pilipinong tripulante ngunit naiulat namang wala itong natamong mga pinsala.

Habang patuloy pa ang pagbeberipika sa naturang sanhi ng pagsabog, nagpaabot ng pakikiramay ang DMW sa pamilya ng nasawi.

Ani pa nito, naipabatid na rin ng licensed manning agency ang pagkamatay ng tripulante sa pamilya ng biktima at nakapagbigay na rin ng tulong.

“The Department of Migrant Workers (DMW) expressed its condolences to the deceased seafarer’s family. The licensed manning agency (LMA), which received the shipowner’s report of the death, has informed the family and is providing assistance and guidance. The shipowner has likewise conveyed its condolences and assured the family of its support,” saad nito sa pahayag nitong Sabado.

Sinigurado naman ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac na makakaasa ang pamilya nito sa ahensiya na magpaabot ng suporta.

“We will provide all the support and guidance the bereaved family needs during this difficult time. As the President has consistently reminded us, we must always take care of the families of our Filipino seafarers,” ani kalihim.

Patuloy pa ring nakikipag-ugnayan ang ahensiya sa may-ari ng barko at iba pang awtoridad upang subaybayan ang naturang kaganapan, matukoy ang dahilan ng pagsabog, at tiyaking makakaabot sa pamilya ng nasawi ang tulong na ipinamahagi nito.