-- Advertisements --

Isusulong ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pagkakaroon ng opisyal na transcript at tuloy-tuloy na livestreaming ng mga pagdinig ng bicameral conference committee upang masubaybayan ng publiko ang mga pagbabago sa panukalang 2027 national budget.

Ayon kay Lacson, mahalagang magkaroon ng transcript o opisyal na tala ng mga talakayan sa bicam upang malinaw kung sino ang nagpanukala ng mga amyenda at kung sino ang nagtulak ng mga realignment sa mga probisyon ng badyet.

Binigyang-diin ni Lacson na matagal nang walang transcript ang magdinig ng Bicam kaya’t bukod sa livestreaming dapat din na mailathala sa website ng senado ang mga tala ng deliberasyon at matukoy ang mga senador na nagpanukala ng mga pagbabago sa panukalang batas sa badyet.

Plano ring imbitahan sa bicam ang mga civil society groups na magsisilbing mga “guardia civil” na magbabantay laban sa posibleng pang-aabuso sa proseso. 

Dahil dito, hinimok din ni Lacson ang mga grupo na huwag lamang magbantay kundi ilantad sa publiko ang mga kahina-hinalang hakbang upang mapanagot ang mga sangkot.