Pinalawak kamakailan ng Department of Energy (DOE), sa pakikipagtulungan sa Department of Tourism (DOT), ang kanilang serye ng mga konsultasyon hinggil sa energy efficiency and conservation (EEC) para sa mga hotel, resort, at iba pang establisimyimento sa buong bansa upang tulungan silang mapababa ang gastusin sa kuryente.
Isinagawa ang mga konsultasyon sa Metro Manila, Malay, Aklan, Cagayan de Oro City, at La Union kung saan tinalakay ang pagsunod sa Energy Efficiency and Conservation Act, tamang pag-uulat sa pamamagitan ng Designated Establishments Online Submission (DEOS) Portal, at mga patakaran sa ilalim ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA).
Bukod dito, tinalakay din ang iba’t ibang programa sa pananalapi upang matulungan ang mga negosyo na makahanap ng pondo para sa pagbili ng mga makabagong kagamitang matipid sa kuryente.
Ayon sa DOE, susuriin nila ang lahat ng mga mungkahi at isinusulong na rekomendasyon mula sa mga dumalong establisimyimento upang bumuo ng komprehensibong work program para sa karagdagang teknikal na gabay at tulong pinansyal.
Layunin ng hakbang na ito na gabayan ang sektor ng turismo sa pagpapatupad ng mga hakbang na nagtitipid sa enerhiya, pagpapalakas ng katatagan ng negosyo, at pagpapanatili ng mataas na kalidad ng serbisyo para sa mga turista.














