-- Advertisements --

Iginiit ni Senator Robinhood ‘Robin’ Padilla na kanyang hindi hihimukin si Senator Bato Dela Rosa na basta na lamang sumuko sa kasalukuyan. 

Nanindigan ang senador na siya’y hindi mananawagan sa kapwa mambabatas na isuko nito ang kanyang sarili kasabay sa kinakaharap na ‘arrest warrant’ mula International Criminal Court. 

Sa patuloy na pagtatago at hindi pagpapakita ni Sen. Dela Rosa, naniniwala si Sen. Padilla na karapatan naman ito ng naturang puganteng mambabatas. 

Kanyang binigyang diin na walang ‘arrest warrant’ na inisyu sa bansa at wala ring lokal na korte ang nag-utos para ipahanap ang mambabatas. 

Kaya’t miski aniya siya ay hindi susuko kahit pa ang ‘arrest warrant’ ay mula sa pandaigdigang korte o International Criminal Court. 

Kahapon, ika-3 ng Nobyembre 2026, personal na dumating si Senador Robin Padilla sa Department of Justice upang humarap sa ‘panel of prosecutors’ sa pagdinig ng ‘preliminary investigation’ sa reklamong kinakaharap.

Sinampahan kasi ng pulisya ang senador ng reklamong ‘obstruction of justice’ dahil sa umano’y pagtulong kay Sen. Dela Rosa na makalabas ng senado para matakasan ang ‘arrest warrant’ ng International Tribunal.

Ngunit tugon naman dito ni Senator Padilla, hindi ito maituturing na pagtakas sapagkat wala umanong ‘mandamiento de aresto’ nanggaling mismo sa lokal na korte. 

Samantala, inamin naman ng senador na naiinggit umano siya kay Sen. Bato Dela Rosa. 

Nais aniyang ipaabot sa kapwa mambabatas ang kanyang nararamdamang inggit sapagkat mga dayuhan pa ang siyang naghahanap. 

Inihalintulad ni Sen. Padilla ang kanilang sitwasyon sa mga bayaning sina Macario Sakay at pati Gat. Andres Bonifacio.