Mas pinaigting na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagbabantay ng mga pulis sa mga lugar na madalas puntahan at tambayan ng mga dayuhang turista sa kalakhang Maynila.
Ang hakbang na ito ay bunsod ng dalawang magkahiwalay na insidente ng krimen at karahasan na kamakailan lamang ay kinasangkutan ng mga dayuhan sa mga lungsod ng Parañaque at Maynila.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge PBGen. Christopher Abrahano, layunin ng pinaigting na seguridad na mabigyan ng katiyakan ang mga bisita ng bansa na ligtas sila sa kanilang paglalakbay.
Binigyang-diin din ni Abrahano na mabilis at apektibo silang kikilos laban sa mga tiwaling indibidwal o grupo na nagsasamantala at nambibiktima sa mga turista.
Patuloy namang nakatutok ang mga awtoridad sa imbestigasyon ng mga nakaraang insidente habang pinapalakas ang police visibility sa mga pangunahing pasyalan.













