-- Advertisements --

Inaasahang tataas ang produksyon ng gatas sa bansa sa susunod na taon sa kabila ng banta ng El Niño ayon sa pagtataya ng United States Department of Agriculture (USDA) dahil sa lumalawak na government-funded nutrition programs, paglaki ng dairy herd, at malakas na pangangailangan ng lokal na merkado at coffee shop sector.

Tinataya ng USDA Foreign Agricultural Service sa Maynila na aabot sa 48,000 metriko tonelada sa liquid milk equivalent ang produksyon sa 2027 mula sa 46,000 metriko tonelada ngayong taon, bunsod ng mas mataas na imbentaryo at produksyon mula sa maliit at malalaking prodyuser.

Iniulat ng National Dairy Authority (NDA) na tumaas ng 6.55 porsiyento ang kabuuang imbentaryo ng mga hayop na nagbibigay ng gatas mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito, na umabot sa 165,858 ulo mula sa 155,662 ulo noong nakaraang taon.

Ipinatutupad din ng pamahalaan ang Animal Industry Development and Competitiveness Act kasama ang iba’t ibang programa na naglalayong palakasin ang sektor, kabilang ang plano ng NDA na umangkat ng 1,600 Holstein-Jersey cows upang mapunan ang mga dairy stock farm sa buong bansa.

Patuloy na pinatitibay ng mga hakbanging ito ang lokal na industriya ng pagawaan ng gatas upang matugunan ang tumataas na demand ng mga mamimili sa gitna ng hamon ng panahon at mapabuti ang kabuhayan ng mga lokal na magbubukid.