Iginiit ni Department of Agriculture (DA) Spokesperson Arnel de Mesa na walang dapat ipangamba ang mga Pilipino sa food security ng bansa sa gitna ng inaasahang epekto ng pinatinding El Niño na tatagal hanggang sa unang quarter ng taon.
Ayon kay De Mesa, walang direktang epekto sa mga konsyumer ang sitwasyon, bagama’t inaasahan namang mararanasan ang epekto nito sa mga magsasaka na maapektuhan ng matinding tagtuyot.
Sa ngayon, nakatutok ang ahensya sa mga magsasaka upang matulungan silang magkaroon ng magandang ani sa kabila ng hamon ng panahon.
Tiniyak din ng opisyal na may sapat na volume ng pagkain mula sa pinagsamang lokal na ani at importation. Halimbawa rito ang suplay ng bigas na tatagal ng 80 hanggang 90 araw.
Para naman sa livestock, ang suplay ng baboy ay inaasahang tatagal ng 150 hanggang 170 araw, habang ang manok ay aabot ng hanggang 125 araw.
Dagdag pa ni De Mesa, nakikipag-ugnayan sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa cash-for-work program sa mga lugar na direktang apektado ng dagok ng El Niño, gayundin sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng TUPAD program upang magbigay ng karagdagang suporta at ayuda.
Kasama rin sa mga hakbang ng pamahalaan ang pagbibigay ng karagdagang suporta para sa patuloy na pagtanim ng mga magsasaka, kabilang na ang mga lugar na hindi naman lubhang matatamaan ng El Niño, upang mapanatili ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng pagkain sa buong bansa.














